Katulad ng mga out-patients sa ospital na kadalasan ay panandalian at agaran ang lunas na hinihingi, ang artikulong ito ay sasalamin sa agarang paglalarawan ng aking pamumuhay.
Ang tunay kong pangalan ay Virgilio - ipinangalan ng aking ina sa doktor na umasikaso sa kanya noong panahong iyon. Ang pangalang Wendell ay hango sa isang makata at mahistrado ng Estados Unidos na si Oliver Wendell Holmes, na nagkataong ipinanganak din sa araw ng aking kapanganakan.
Ipinanganak ako sa panahon ng tag-init, ilang buwan bago ideklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar. Isa sa mga tinatawag nilang Martial Law Babies. Katulad ng mga panahong iyon, hindi naging madali para sa murang katawan at isip ko ang mga hamon ng buhay. Maaga akong namulat sa hirap dala ng kahirapan at hikahos sa buhay. Hindi mayaman ang aking pamilya. Sapat lang ang kinikita ng aking ina para sa pang-araw-araw na gastusin at pangangailangan.
Ang mga bagay na ito ang isa sa mga nagpatatag sa aking katauhan. Sa kasalukuyan ako ay nakatira sa isang nirerentahan studio-apartment. Mahirap na masarap ang mag-isa. Mahirap dahil ikaw ang gagawa ng lahat ng bagay, masaya kasi desisyon mo lang ang sinusunod mo at wala kang pinakikibagayang tao.
Masaya ako sa ngayon, may matatag na trabaho, kumikita ng sapat (minsan sobra). At tumutulong sa aking pamilya. Ngunit, may mas mayamang pangarap pa ako na nais kong makamit sa hinaharap.
Sana lang ay magawa ko lahat ng ito sa kasalukuyang panahon - hindi para sa aking sarili ngunit higit para sa aking mga mahal sa buhay - aking pamilya!

0 comments:
Post a Comment