Bihira kong maramdaman ito, hindi pangkaraniwan na mabubuhay ang ganitong klaseng damdamin sa akin. Mapili at pihikan ako sa maraming bagay. Noong una hindi ko pinansin ang simpleng nararamdaman ko, pero matapos ang mahabang kwentuhan at palitan ng istorya, may namutawing haplos na pilit na sumisiksik sa aking puso.
Pinakiramdaman ko ang aking sarili, pilit na iwinawaksi ang isang nilalang na pilit sumisiksik sa aking puso. Pero nang lumaon hinayaan ko na maramdaman ang isang pamilyar na haplos sa puso.
Magkahalong kaba at sabik ang aking naramdaman, hindi ordinaryong damdamin lang ang namumuo sa aking puso.
Sa pangalawang pagkakataon, napatunayan kong hindi simpleng paghanga ang aking nararamdaman. Unti-unting nabubuhay ang minsang pamilyar na emosyon sa aking damdamin. Ngunit higit ang aking pagkabagabag. Masalimuot ang sitwasyon namin. May ibang taong nagmamahal sa kanya. Masakit sa akin ang katotohanang ito. Pinatatag ko ang aking puso, pinairal ang pag-iisip, ngunit patuloy na bumabalik ako sa mas nangingibabaw na pagmahahal.
Pinasasaya ako ng bagong nilalang, sa kanyang munti tawag, mensahe sa telepono. Higit ang ligaya dulot ng simpleng atensyon na ibinibigay niya sa akin.
Ngunit lumipas na ang halos dalawang araw ay wala pa akong nakukuhang tawag or mensahe sa kanya. Iniisip kong marahil ay abala siya at maraming inaasikaso. Nauunawaan ko yun. Ang hirap ng sitwasyon ngunit handa akong maghintay.
Hindi naman talagang madali ang magmahal. At walang nakukuha sa mabilisang paraan.
Ipagdadasal ko na sana balang araw maging ganap ang lahat sa pagitan naming dalawa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

0 comments:
Post a Comment